Saturday, January 16, 2010


Global Warming: Muni-muni sa Kamalayan ng mga Makabagong Pilipino

Madalas nating marinig sa radyo o mapapanood sa telebisyon, o mabasa sa pedyodiko at mga pahayagan ang mga masasamang balita dulot ng global warming. Sa paglabas natin sa ating mga tahanan upang magtrabaho, pumunta sa paaralan o anumang gawaing nakaplano nang gawin, hindi natin maiiwasang mapuna na iba na talaga ang ating kapaligiran. Ang mga bundok ay nakalbo na, ang mga ilog hindi na dumadaloy, ang mga batis unti-unting umiitim ang kulay ng tubig at ang ibang bahagi ng baybayin hindi na raw mapapaliguan dahil sa taas ng cauliform content. Hay! Sadyang mahirap na ang buhay. Kapag naligo ka sa dagat, magkakagalis ka, kapag naglusaw ka sa baha maaring magkaleptospirosis ka at kung nasa bahay ka naman hindi ka ligtas dahil sa dengue. Ano na lang ang gagawin natin?
At heto raw ang pinakamalaking problema ng buong mundo ang global warming. Hindi pa tayo nakaraos sa problema sa dengue, ang sanhi ng pagkamatay ng marami. Hindi pa napupuksa ang mga daga na nagdadala ng leptospirosis kung saan ayun sa sorbey ng Social Weather Station, ang reysyu raw ng daga ay sampu kumpara sa bawat isang Pilipino. Matatabunan na tayo ng mga daga may global warming pa. Global warming na naging sanhi ng mga super typhoons, baha at iba pang catastrophy ayon sa siyensya.
Sa pang-araw-araw na gawain hindi natin lubos maisip kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Hindi natin masasabi kung ano ang darating. Sa isang banda, naiisip natin na mawawala sa isang iglap ang bahay dahil sa super typhoon, matatabunan ng lupa ang isang lugar dahil sa landslide o magkakaroon bigla ng tidal wave. Wala talaga tayong magagawa sa anumang badya ng kalikasan.
Sa ating kamalayan, nangyayari ang mga penominang ito dahil sa kagagawan na rin ng mga tao. Matalino na ang mga Pilipino. Malawak na ang nararating ng teknolohiya. Tayo ang nagunguna sa pinakamaraming gumagamit ng teks o selpon sa buong mundo. Malayo na tayo noon kesa ngayon, marami na ang gumagamit ng laptap na kompyuter na kahit saan puwede nating magamit kung nakawifi tayo. Kahit sa selpon may mga telebisyon na rin na kahit saan puwede tayong makapanood ng mga paborito nating palabas mula balita, teleserye, entertainment o isport. Ibang-iba na talaga tayo, puro Western ang tatak ng mga bag, sapatos, lotion, de lata at marami pa. Iba na rin ang mga laro, meron tayong lego, playstation at internet games.
Sa ating kamalayan, ibang-iba na talaga tayong mga Pilipino meron tayong mga kababayang nakaaral sa Harvard, magagaling na tayo sa Math, English kahit Chinese, Niponggo at Korean ay kayang-kaya nating bigkasin. Malayung-malayo na tayo, hindi tayo napag-iiwanan kung ito ang iniisip ng ibang lahi kahit sa sorbey sa pinakacorrupt sa pamumuno hindi rin tayo pahuhuli. Alam na alam na natin ang global warming. Kung ano ang ibig sabihin ng ozone layer, carbon monoxide at hemisphere.
Ngunit sa pang-araw-araw na mga balita wala tayong solidong kasagutan sa suliranin natin sa global warming. Kung paano natin malulunasan o maiwasan man lang ang pagkasira ng ating sanlibutan.
Sa isang kumpulan ng mga trabahador napag-usapan ang tungkol dito, ayun sa isa para makatipid at makatulong sa pagpalaganap ng kalinisan dapat daw na pag may nakita kang papel sa kalsada pulutin mo at gawing panggatong. Di ba magandang ideya ‘yun? Kahit na di mo alam kung saan ito nanggaling, kesyo ginamit na pampunas sa puwet matapos mag-ebak, ginawang pampahid sa mesa o ginawang supot ng duraan dahil bawal raw ang dumura sa pampublikong lugar ay puwede nang gawing panggatong, nakatipid ka na nakatulong ka pa sa libo-libung kahoy na puputulin. O di kaya, puwede kang sumaing sa siga na ginawa mula sa tuyong dahon at basura ng kapitbahay mo. Di ba ang saya-saya? O di kaya makisaing ka sa mga nagtitinda ng inasal na adidas, bituka ng manok at batikulon. Seyb na seyb ka pa. Ayun pa kay Kris Aquino, may tama ka!
Ganito talaga ang buhay, marami na ang mga tao sa Pilipinas, maraming-marami na ang tao sa buong mundo ngunit wala tayong solidong solusyon sa mga problemang kinakaharap. Malayo na ang narating ng bansang Pilipinas ngunit hindi ito ligtas sa mga masasamang dulot ng global warming.
Saan ka mang sulok ngayon dinig na dinig mo ang usapan tungkol sa global warming na kinababahala ng lahat. “Sandali lang magpapayong ako napakainit. Teka mag-rereyn-kowt ako umaambon at mukhang uulan. Sandali naghangin ng malakas. Nakakalula na, ano na ba talaga ito global warming?”

No comments:

Post a Comment